Wowowee sa senado (na naman)?
MALALAGAY na naman sa hot water si Willie Revillame, host ng noon-time show na ‘Wowowee’ kapag binuksan ng Senado ang imbestigasyon sa naganap na dayaan umano sa Wilyonaryo game portion ng nasabing show.
Kahapon ay kinalampag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang Department of Trade and Industry (DTI) na umaksyon sa napaulat na pagmamaniobra raw ng mga host sa kanilang game portion.
Binigyang-diin pa ni Escudero na kung hindi kikilos ang DTI, mapipilitan ang Senado na pakialaman ang kontrobersyang ito.
“Kung hindi gagawin ng DTI ang trabaho nila, doon lang dapat pumasok ang Senado,” sabi pa ng senador.
Muli na namang pinagpiyestahan sa YouTube ang anomalya umano sa Wilyonaryo game portion, nang lumabas ang diumano ay rehearsal nina Revillame at mga co-hosts nitong sina Mariel Rodriguez at Valerie Concepcion sa portion na ‘yon.
Ipinakita sa video kung paano pinagpalit ang numero sa isang bilog na karton na animo’y isang gulong kung saan pinamagatan itong “Kita Mo Wow Talaga, Nakakainis”.
Matatandaan na inimbestigahan na rin ng DTI ang unang insidente ng pandaraya umano sa Wilyonaryo may ilang buwan na ang nakaraan, subalit naburo lamang ito sa tanggapan matapos ang ilang linggo.
Bagama’t nagbanta na si Sen. Mar Roxas, chairman ng senate committee on Trade and Commerce, na imbestigahan ang anomalya sa Wilyonaryo, ipinaubaya na rin nito sa DTI ang pag-iimbestiga sa kontrobersyal na game show.
NONNIE F. FERRIOL
Abante Online