Lolit Solis ready to face Sam Milby’s threat to sue her

“Ready na ako sa anumang kaso na isasampa ni Sam [Milby] laban sa akin,” pahayag ni Lolit Solis sa kanyang column na lumabas ngayon araw, October 23, sa Pilipino Star Ngayon.

Kaugnay pa rin ito ng naisulat ni Lolit sa kanyang column noong October 15 kung saan sinabi niya na nakita niyang “nagbubulungan at halos magkadikit ang mga pisngi” nina Sam at Piolo Pascual sa coffess shop ng Hotel Sofitel noong October 12.

Dahil dito, nag-demand si Sam ng public apology at retraction mula kay Lolit. Hiniling din ng actor-singer na bawiin ng kolumnista ang kanyang naisulat. Bagay na hindi naman pinaboran ni Lolit.

Paliwanag ng Startalk host, “Mas gugustuhin ko na idemanda ako ni Sam kesa bawiin ko ang statement ko. Puwede akong mag-sorry kung talagang na-hurt siya sa aking mga sinabi, pero never kong babaguhin ang kwento ko!”

Nagtataka pa rin si Lolit kung bakit tanging sa kanya lamang nag-react ng ganito si Sam gayong marami na rin daw ibang tao ang diumano’y kumukuwestiyon sa kasarian nila ni Piolo.

Sabi ni Lolit, “Kapag itinuloy ni Sam ang pagdedemanda, ipinakita lang niya na hindi siya patas lumaban. Bakit hindi niya idinemanda ang mga tao na nagsasabi noon na gay siya? Ako, never akong nagsulat na gay si Sam o si Piolo.”

Dagdag pa niya, “Amateur na amateur nga ang statement ko kumpara sa mga sagot noon ng mga naging guest sa radio program ni DJ Mo [Twister] na itinanong nito kung sino sa palagay nila ang mga artista na sasabihan nila ng ‘Dude, I think you’re gay!’ Kaninong pangalan ba ang kanilang isinasagot, pero hindi naman nagbanta ng demanda?”

OTHER WITNESS? Nabanggit din ni Lolit sa kanyang column na isang empleyado ng produktong nagdaos ng event sa Hotel Sofitel ang tumawag sa kanya at nagsabi na nakita rin niya si Piolo noong October 12 sa naturang hotel.

Binanggit din diumano ng naturang emplyedo ang uri ng sasakyan na gamit ng aktor. Salaysay ni Lolit, “Ikinuwento pa nga nila sa akin na Hummer ang sasakyan ni Piolo. Paano nalaman ng mga tumawag sa akin ang klase ng sasakyan na gamit ni Piolo kung hindi nila nakita?”

AMERICAN CITIZEN? Binanggit din ni Lolit ang pagiging American citizen ni Sam sa kanyang column.

Ayon kay Lolit, “Welcome na welcome sa akin ang pagdedemanda na gagawin ng isang American citizen. O ayan ha, baka sabihin na naman ng fans na nagbibigay uli ako ng malisya dahil sinasabi ko na American citizen siya. Na inililihis ko ang isyu.

“It’s a fact na American citizen si Sam, ‘no! Baka nga hindi niya memorized ang lyrics ng ‘Lupang Hinirang’ kapag ipinakanta ito sa kanya!” pahabol pa ng palabang kolumnista.

NERISA ALMO
Philippine Entertainment Portal

Leave a Reply