Sexy actor Allen Dizon ventures into movie producing

Sexy actor Allen Dizon ventures into movie producingMedyo naaasiwa si Allen Dizon kapag pinag-uusapan ang pag-asenso niya sa buhay. Likas kasi sa aktor ang kababaang-loob kung kaya’t hangga’t maaari ay ayaw niyang pag-usapan ang karangyaang tinatamasa niya ngayon.Si Allen ay nagsimula sa kaibabaan ng showbiz at maging sa tunay na buhay ay galing din siya sa wala. Maagang naulila sa ama si Allen. Teenager pa lang siya nang paslangin ang kanyang ama sa kanilang hagdanan noon. Sa ina niyang si Rebecca naiwan ang responsiblidad para itaguyod sina Allen at ang tatlo pa niyang kapatid.

Napasok si Allen sa showbiz dahil sa kanyang kaguwapuhan at ganda ng pangangatawan, pero ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-aaral hanggang makapagtapos ng isang collegiate course sa isang unibersidad sa Maynila.

Sa showbiz, unti-unting nakilala si Allen na noong una ay natatakan bilang sexy actor dahil halos ang mga pelikulang nilabasan niya ay may temang tumatalakay sa sex at iba pang kauri nito.

“Ganoon yata talaga ‘pag nagsismula, kahit ano kailangang tanggapin ang mga roles para makilala. Okey lang po ‘yon, trabaho lang naman, walang masama,” reaksiyon a niya sa mga sexy roles na ginawa niya sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Nang lumaon, nakilala ni Allen ang kanyang manager na si Dennis Evangelista, isang scriptwriter na nag-branch out sa talent managing at una nga niyang naging talent si Allen. Naipaglaban niya ito kung kaya nabigyan ng magandang exposure sa mga pelikula nito.

Kinilala bilang aktor si Allen at binigyan ng project sa mga malalaking TV networks hanggang kilalanin siya bilang isa sa mga maisntream actors.

Sa pelikulang Twilight Dancers, nagkamit ng best supporting actor award si Allen sa Star Awards For Movies at nominado rin siya sa FAMAS sa parehong kategorya nitong darating na awards night ng naturang award-giving body sa Nobyembre 23.

Ang ilan pa sa memorable films ni Allen ay Ang Babae sa Bubungang Lata (1998) na siya rin niyang unang pelikula, Pila-Balde (1999).

Likas kay Allen ang pagiging mapag-impok at halos lahat ng kinita niya ay isinosyo sa maliliit na negosyo sa mga kaibigan hanggang lumago at nakapagtayo sila ng cellcard distribution center sa Pampanga. Sumunod na rito ang car sales business at dito nga umasenso nang husto si Allen.

At ngayon nga, puwede nang sabihing “big time” na si Allen. Isa na siyang producer, at inihahanda na ang unang film venture ng ATD Films Intl., isang digital movie na siya mismo ang artista.

May kasosyo siya rito pero higit na malaki ang puhunan niyang ilagagay. Sa paggawa ng pelilkula, milyong piso rin ang ilalabas kung kaya puwede ngang isiping marami nang naipon si Allen.

“Hindi po, kaunti lang po,” medyo nahihiya pang sabi ni Allen. “Gusto ko lang makipagsapalaran baka palarin ako bilang producer.”

Sex din ang tema ng Paupahan at makakasama ni Allen sa pelikulang ito sina Ms. Gloria Romero, Snooky Serna, Jay Manalo, Joseph Bitangcol, at si German Moreno. Mula ito sa direksyon ni Joven Tan.

Nakatakda ring gumawa si Allen sa ibang movie outfit kung saan si Andrea del Rosario ang makakatambal niya at si Boy Vinarao ang director niya.

Sa Kung-Fu Kids naman, isang telsersye sa ABS-CBN na ipalalabas simula sa Enero 2008, isang mahalagang role ang gagampanan ni Allen. “Ang ganda po ng accord na ibinigay nila sa akin, pinapirma ako ng kontrata tapos may sarili pa akong pictorial,” masayang pahayag pa ni Allen tungkol sa naturang teleserye ng Kapamilya network.

May asawa at dalawang anak na si Allen. Ipinagmamalaki nito ang pagsuporta sa kanya ng asawang si Crystelle, mabait at very ideal daw ito. Dalawa na ang kanilang anak pero buntis na sa ikatlo ang maybahay niya.

“Inspirasyon ko po ang aking pamilya, dahil sa kanila kaya ako nagsisikap,” pagwawakas ni Allen.

CESAR PAMBID
Philippine Entertainment Portal

Leave a Reply